[Filipino] Isang patnubay sa nangungupahan para sa pagtitipid ng enerhiya at tubig
Publisher
Date
Type
Topic
Hindi ninyo kailangang maging isang may-ari ng bahay upang magbenepisyo mula sa mga pagkilos sa pagtitipid ng enerhiya at tubig. Halos sangkatlo ng mga Australyano ay nakatira sa inuupahang tirahan, at habang may mga limitasyon sa kung ano ang mababago ninyo sa inyong inuupahang tahanan, may mga paraan upang mabawasan ang inyong mga bill at epekto sa kapaligiran, kahit na hindi opsiyon ang mga solar panel at mga tangke ng tubig-ulan. Sa totoo, ang ilan sa mga maepektong hakbang na maaari ninyong gawin upang makatipid ng enerhiya at tubig ay nakapokus sa paggawa ng maliliit na pagbabago sa inyong mga araw-araw na gawi nang wala kahit anumang gastos para sa inyo.
Kung kayo man ay umuupa nang maikli o mahabang panahon, maraming simple, at murang mga bagay na magagawa ninyo upang mabawasan ang paggamit ng enerhiya at tubig at makatipid ng daan-daang dolyar sa loob ng taon nang hindi magsasakripisyo ng kaginhawahan o estilo ng pamumuhay.
Mga ideya sa pagtitipid ng enerhiya
Ang energy efficiency (tinatawag kung minsan na mahusay na paggamit ng enerhiya) ay tungkol sa paggamit ng kaunting enerhiya upang magbigay ng gayon ding antas ng pagganap, kaginhawahan at kadalian. Tangkain ang mga praktikal na hakbang na ito upang mabawasan ang paggamit ng enerhiya sa bahay at mga singil.
- Pumili ng mga kasangkapang mahusay gumamit ng enerhiya. Ang mga kasangkapang pambahay ang dahilan ng hanggang 30% ng enerhiyang gamit sa inyong bahay, kaya ang uri ng mga kasangkapan na inyong pipiliin at ang paraan ng paggamit ninyo ng mga ito ay lilikha ng malaking diperensiya sa inyong paggamit ng enerhiya at babayarang singil. Kapag bumibili kayo ng isang bagong kasangkapan, isiping bumili ng isang mahusay gumamit ng enerhiya na modelo. Tingnan ang Energy Rating Label upang malaman kung gaano ito kahusay gumamit ng enerhiya—mas maraming star, mas malaking enerhiya at pera ang matitipid ninyo.
- Pagkontrol ng inyong klima. Mga 40% ng enerhiyang pambahay ang nagagamit sa pagpapainit at pagpapalamig. Sa taglamig, isiping i-set ang inyong mga thermostat sa pagpapa-init sa 18–20°C. Sa tag-init, sikaping i-set ang inyong mga cooling thermostat sa 25‑27°C. Ang pagse-set ng thermostat nang kahit isang degree pataas (o pababa) ay makababawas sa enerhiyang ginagamit sa pagpapainit at pagpapalamig ng inyong tahanan ng 5 hanggang 10%. Kapag umaandar ang air conditioner o heater, huwag isali ang mga kuwartong hindi ninyo ginagamit sa pamamagitan ng pagsasara ng mga pintuan sa loob ng bahay.
- Pagbabara ng mga puwang at bitak. Sa pamamagitan ng draught-proofing ng inyong tahanan at pagpigil sa paglabas ng mainit at malamig na hangin sa mga puwang at bitak, maaaring mabawasan ninyo ang inyong singil sa enerhiya nang hanggang 25%. Tangkaing gumamit ng isang draught stopper na puno ng buhangin (tila isang mahabang ‘ahas’) upang mahadlangan ang paglabas ng hangin sa ilalim ng mga pintuan at gumamit ng mga weather seal para sa mga bintana, sahig, skirting board, skylight at cornice. Makipag-alam sa inyong kasero bago kayo maglagay ng anumang weather seal.
- Pabutihin ang kahusayan ng bintana. Hadlangan ang pagkawala ng init sa pamamagitan ng paghahakab ng mga kurtina at blind upang mahuli ang di kumikilos na hangin sa tabi ng bintana. Maibubukas din ninyo sa araw ang mga kurtina sa taglamig upang makapasok ang sikat ng araw at isara ang mga ito bago magdilim. Ganoon din, mabuting ideya na isara ang mga kurtina sa pinakamainit na oras sa araw sa tag-init.
- Pagpili ng bentilador sa halip na air-conditioner. Ang mga bentilador sa kisame at pedestal ay nagkakahalaga ng isang sentimo kada oras ng operasyon at lumilikha ng mas kakaunting greenhouse gas kaysa sa mga air-conditioner. Ang mga bentilador ay tumutulong magpaikot ng hangin at magagamit upang mapabuti ang pagiging maepekto ng mga sistemang pampalamig ng hangin at pati pagpapaikot ng mainit na hangin at pagpapabuti ng inyong kahusayang magpainit sa taglamig.
- Pagpapalit sa mga ilaw na mahusay gumamit ng enerhiya. Mga 12% ng enerhiyang gamit sa tahanan ay napupunta sa pag-iilaw. Sa pagpalit sa mga ilaw na mahusay gumamit ng enerhiya at mahusay na paggamit ng mga ilaw mangangalahati ang gastos ninyo sa pag-iilaw. Ang pagpapalit ng lumang-estilong incandescent na bumbilya sa mga compact fluorescent lamps (CFL) o mga light emitting diode (LED) ay isang maepektong paraan ng pagtitipid sa gastos sa enerhiya. Ang mga CFLs ay gumagamit ng mga 20% ng enerhiya ng isang incandescent na bumbilyang ilaw at mula 4 at 10 beses ang itinatagal.
- Standby power. Maraming mga kasangkapan at aparato, tulad ng mga phone charger, game console, microwave oven at stereo ang patuloy na gumagamit ng enerhiya kahit na hindi sila ginagamit. Ang standby power na ito ay nagiging dahilan ng 10% ng inyong ginagamit na koryente sa bahay. Sa pamamagitan ng pagpatay ng switch sa dinding para sa mga kasangkapan at aparato kapag natapos na ninyo silang gamitin, mababawasan kapwa ang paggamit ninyo ng enerhiya at ang inyong mga singil. Kapag ito’y may maliit na standby na ilaw o orasan- ito’y gumagamit ng koryente.
- Mga fridge at freezer. Ang pinakamagaling na temperatura para sa inyong fridge ay sa pagitan ng 3 at 5°C; o sa pagitan ng minus 15 at minus 18°C para sa inyong freezer. Bawat degree na pababa ay nangangailangan ng 5% pang enerhiya. Pabutihin ang kahusayan ng inyong fridge at freezer sa pamamagitan ng pagtatanggal ng anumang frost na naipon sa freezer at pag-iiwan ng puwang na 5-8 sentimetro sa paligid nila para sa bentilasyon. Kung mayroon kayong pangalawang fridge para sa pag-aaliw, paandarin lamang kung kailan ninyo kailangan ito.
- Paglalaba at pagpapatuyo ng mga damit. Kapag naglalaba na gamit ang makina, magtipid ng enerhiya sa pamamagitan ng paggamit ng malamig na tubig, at ng posibleng pinakamaikling cycle, pag-aakma ng taas ng tubig sa laki ng nilalabhan at paghihintay hanggang sa may sapat na mga damit para sa isang punong karga sa labada. Magpatuyo ng mga damit sa sampayan sa halip na sa isang de-koryenteng pangtuyo ng damit—ito’y libre.
Mga payo sa pagtitipid ng tubig
Ang pagiging mahusay sa paggamit ng tubig ay tutulong gawing makabuluhan ang bawat patak ng tubig at dolyar. May maraming mga kilos na magagawa upang gumamit ng tubig nang mahusay sa tahanan at sa hardin upang tumulong na maseguro ang tubig para sa ating kinabukasan.
- Pag-isipan ang mga mahusay gumamit ng tubig na mga kasangkapan at kagamitang nakakabit. Kapag bumibili ng isang bagong kasangkapan o kagamitang nakakabit, isipin ang modelong mahusay gumamit ng tubig. Tingnan ang grado ng Water Efficiency Labelling and Standards (WELS).
- Mahusay na paggamit sa mga gripo. Ang isang gripo na tumutulo-tulo sa bilis na isang patak kada segundo ay nag-aaksaya ng mahigit sa 12,000 na litro ng tubig sa isang taon. Magtipid ng tubig sa pamamagitan ng pagkumpuni sa tumutulo-tulong gripo sa madaling panahon. Mababawasan ninyo ang inyong paggamit ng tubig sa pamamagitan ng pag-iinstala ng mga aerator. Ang mga aerator ay nagbibigay-limitasyon sa daloy ng tubig at maikakabit sa loob o sa labas ng gripo. Baka kailangang makipag-alam kayo sa inyong kasero bago ninyo gawin ito.
- Pag-iinstala ng mga showerhead na mahusay gumamit ng tubig. Kung mayroon kayong lumang showerhead na hindi episyente, sikaping hilingin sa inyong kasero na palitan ito ng mga modelong mahusay gumamit ng tubig dahil ang mga ito ay gumagamit ng mga sangkatlo ng tubig at maaaring makapagtipid ng mahigit $160 sa isang taon sa enerhiya at singil sa tubig.
- Pag-flush ng mga toilet (palikuran). Kapag gumagamit ng dual-flush toilet, piliing gamitin ang half-flush kung saan naaangkop. Kung ang inyong kasero ay nagpapalit ng isang single-flush toilet, pag-isipang magmungkahi ng isang modelong dual-flush na mahusay gumamit ng tubig dahil sa ito ay makapagtitipid ng 55 litro kada tao araw-araw. Kung ito ay hindi opsiyon, maaari kayong bumili ng isang water displacement device (bagay na pamalit-tubig) o maglagay ng isang plastik na bote na puno ng tubig sa cistern upang mabawasan ang kapasidad na tubig nito.
- Bawasan ang paggamit ng tubig sa hardin. Ang tradisyonal na berdeng damuhan ay nakagagamit ng hanggang sa 90% ng inyong tubig para sa hardin. Mababawasan ninyo ito sa pamamagitan ng pagse-set ng inyong mower na magtabas nang 4 na sentimetro o mas mataas pa. Mababawasan din ninyo ang inyong paggamit ng tubig sa hardin sa pamamagitan ng pagpapabuti ng gawaing pagdidilig at pagpili ng mga produktong episyenteng gumamit ng tubig.
Mga paraang magagamit ng mga nangungupahan
Pakikipag-usap sa inyong kasero o ahente ng estate
Ang pagkumpuni, paggawa o pagmentena, kabilang ang anumang maipagpapatuloy na pagpapabuti, ay karaniwang nangangailangan ng pahintulot (at pera) mula sa inyong kasero. Bawat estado at teritoryo ay may iba't ibang batas para sa mga nangungupahan, kaya mahalaga na magsaliksik kayo at humingi ng pahintulot bago magsagawa ng anumang pagbabago sa pag-aari.
Kabilang sa ilang bagay na kailangang isaisip kapag lumalapit sa inyong kasero o ahente ng propyedad upang humiling ng mga maipagpapatuloy na pagbabago ay:
- Mga diskuwento at tulong. May ilang mga diskuwento at tulong mula sa pamahalaan na makukuha ng mga may-ari ng pag-aari para sa paggawa ng mga maipagpapatuloy na pagbabago. Para makatulong sa inyong paghiling, makagagawa kayo ng pananaliksik para sa inyong kasero at tingnan ang aming seksiyon sa diskuwento at tulong para malaman kung ano ang nauugnay sa inyong sitwasyon.
- Mga maibabawas sa tax (buwis). Maraming sa mga propyedad, kabilang ang pagkumpuni at pagmentena, ay maibabawas sa buwis. Maaaring nais ninyong tingnan sa Australian Tax Office ang Patnubay para sa mga may-ari ng pinauupahang pag-aari upang makita kung aling mga bagay ang nauukol sa inyong sambahayan at ipasa ang anumang magandang balita sa inyong kasero.
- Mga pakinabang ng pamumuhunan. Sa pamumuhunan sa pagbabago sa propyedad na nagdudulot ng pagiging episyente ng sambahayan sa enerhiya at tubig, maaaring mapataas ng inyong kasero ang halaga ng propyedad, ginagawa itong higit na kaakit-akit sa mga bibili at uupa sa hinaharap.
Tiyaking isulat ninyo ang anumang paghiling sa inyong kasero o ahente ng real-estate. Mabuting ideya rin ang pagtatago ng rekord ng lahat ng mga paghiling pati anumang mga kasunduan mula sa inyong kasero o ahente ng real estate upang gumawa ng mga pagbabago o pagpapabuti.
Nais ng karagdagang impormasyon at pagtitipid?
Makakukuha ng marami pang praktikal na payo ukol sa enerhiya, basura, pagtitipid sa tubig at biyahe gayundin ng impormasyon ukol sa tulong mula sa pamahalaan sa wikang Ingles sa www.energy.gov.au website.
Pagtanggi
Ang Commonwealth ay hindi naggagarantiya sa katotohanan ng dokumento na ginamit sa pagsasalin sa wika at walang ipinapahayag na kuru-kuro ukol sa kawastuan o hindi ng anumang impormasyong taglay sa orihinal na dokumento o sa pagsasaling ito. Ang Commonwealth ay hindi nagbibigay ng garantiya kaugnay ng pagsasaling ito, kabilang ang kawastuan ng pagsasalin. Ang Commonwealth at mga opisyal, empleyado o ahente nito ay hindi mananagot sa anumang pagkasira, pagkawala dahilan sa pinsala na nanggaling nang diretso o hindi diretso mula sa paggamit o pagtitiwala ng sinumang tao sa pagsasaling ito, kung batay man o hindi ang naturang paggamit o pagtitiwala sa impormasyon o payo na ibinigay ng ahensiya.
This translation was funded as part of the Australian Government Multicultural Access and Equity policy.
Documents
Attachment | Size |
---|---|
Isang patnubay sa nangungupahan para sa pagtitipid ng enerhiya at tubig [Filipino] | 286.14 KB |